Napag-alaman na magtatapos sa darating na Oktubre 17 ang tatlong-buwang palugit ni Supt. Raffy Cardeno, founding Chairman ng YOU, laban sa mga tinututukan umano nilang tiwaling opisyales sa gobyerno.
Sa nasabing pagbabanta, sinabi ni Cardeno na kung hindi nila mapipilit ang mga nasabing opisyal ng gobyerno na magbitiw sa tungkulin ay mapipilitan silang magsagawa ng malawakang aksyon laban sa mga ito. Bagamat hindi tinukoy ni Cardeno kung anong uri ng pagbabanta ang kanyang tinutukoy ay pinaniniwalaang may balak itong maglunsad ng kudeta.
Bilang reaksyon ay sinabi kahapon ni PNP Spokesman Chief Supt. Crescencio Maralit, na wala nang kakayahan ang YOU upang magsagawa ng anumang marahas na hakbangin laban sa gobyerno.
Gayunpaman, sinabi ng opisyal na nirerespeto nila ang misyon ng You na malinis ang hanay ng gobyerno ngunit kung may karahasan umano na sangkot dito ay hindi sila papayag na maganap ito. No questions na maganda naman ang layunin nila pero iba nang usapan kung may violent action, of course hindi kami papayag diyan. Sa ngayon, wala naman kaming natatanggap na report na may balak silang drastic action, paglilinaw ni Maralit. (Ulat ni Joy Cantos)