Ito ang inihayag kahapon ni Vice President at Foreign Affairs Secretary Teofisto Guingona Jr. matapos iprisinta nito sa Malacañang ang kasalukuyang sitwasyon ng mga overseas Filipino workers sa mga nasabing bansa.
Sa nabanggit na listahan, ang Pakistan, kung saan may 500 Filipinos ang naroroon ay mas binibigyan ng prayoridad at pansin ng pamahalaan sa kasalukuyan, kung saan ang nasabing bansa ay nasa border ng Afghanistan na nagkakanlong sa teroristang si Osama Bin Laden.
Ang 13 pang mga tinukoy na mga bansa ay ang Iran kung saan may 1,000 Pinoy; India, 250; Iraq, 108; Lebanon, 22,000; Israel, 30,000; Kuwait, 60,000; Syria, 500; Jordan, 12,000; Bahrain, 30,000; Oman, 25,000; Qatar, 35,000; United Arab Emirates, 170,000; at Saudi Arabia, 915,000.
Ayon naman kay DFA spokesman Victoriano Lecaros na humiling ng mga exit permits ang Kagawaran para sa mga Pinoy na naroroon bilang paghahanda sa anumang oras na posibleng paglilikas sa mga ito.
Humiling na rin anya ang Kagawaran ng mga entry permits sa mga bansa na pagdadalhan o paglilipatan ng mga Pinoy na maaapektuhan.
Ang nasabing bansa ay kinabibilangan ng Turkey, Cyprus, Tunisia at Africa.
"As part of the contingency plans, we have already asked all necessary permits from countries which may later on serve as embarkation points. We are also arranging for commercial flights," pahayag pa ni Lecaros.
Taliwas sa mga naunang pahayag, ang mga maaapektuhang mga OFWs ay hindi agad-agarang pauuwiin sa bansa dahil ang karamihan umano sa kanila ay nais pang bumalik sa kani-kanilang mga trabaho sakaling maging normal na ang sitwasyon.
Kamakailan, hiniling ng DFA sa mga kaanak o pamilya ng mga personahe ng embahada sa Pakistan na umuwi na sa Pilipinas.
Sa New York, ayon kay Consul General Linglingay Lacanlale na isang Pinay ang nadagdag sa listahan ng mga nawawalang Filipino na nagngangalang Cecille Caguicla, namamasukan ito sa 98th floor ng World Trade Center (WTC) at hindi na matagpuan mula nang gumuho ang twin towers noong Setyembre 11.
Ang nawawalang mga Pinoy ngayon sa WTC ay umaabot na sa 19 at hindi 428 gaya ng naunang iniulat ng isang pahayagan. (Ulat ni Rose Tamayo)