Si Mohammad Faizal Ijajil, na mas kilala sa bansag na Faizal at may patong sa ulong P1M ay naaresto ng pinagsanib na operasyon ng mga tauhan ng Philippine Army at PNP sa Sampaloc, Maynila noong nakaraang Setyembre 18.
Ayon kay Army Vice Commander Brig Gen. Arsenio Tecson, si Faizal ang lider ng Manila-based ASG cell at kasabwat ang isang kinilalang Mumar Asanin. Ang mga ito ang nangangalap ng intelligence information sa Metro Manila na kanila namang ipinararating sa matataas na lider ng bandidong grupo sa Mindanao.
Sa pagkakaaresto sa suspected Sayyaf leader ay napigilan ang serye ng pambobomba ng grupo sa kalakhang Maynila, ayon kay Tecson.
Sinabi pa ni Tecson na ang pangalan ni Faizal, dating kilala bilang Espital Ijajil noong estudyante pa ito noong 1991 ay pinalitan ng sumapi sa Tableegh, isang informal organization ng Islamic religious leaders.
Mas kilala ito bilang Faizal Abbas ng sumali sa grupo ni Barahama Sali, isang Basilan-based ASG noong 1994.
Sangkot umano ito sa Ipil raid noong 1995 sa Zamboanga del Sur, pagdukot sa apo ng mayor ng Isabela, Basilan noong 1996 at humahawak ng mahigit sa 15 armadong puwersa sa Sampinit Complex.
Di pa malaman kung gaano kalalim ang partisipasyon nito sa naganap na terorismo, pero napag-alaman na maraming beses na itong nagtungo sa Middle East kaugnay ng misyon nito sa Tableegh kung saan mula Setyembre 1994 hanggang Enero 1995 ay nagtungo ito sa Raiwin, Lahur, Pakistan at tumuloy sa Markaj Mosque sa Raiwin.
Mula Mayo hanggang Hulyo 1999 ay nagpunta ito sa Bangladesh at Pakistan, gayundin sa India mula Setyembre 26 hanggang Disyembre 14, 2000. (Ulat ni Joy Cantos)