Ayon kay AFP Southcom Chief, Lt. Gen. Roy Cimatu, si Theng, 31, ay kabilang sa tatlong matataas na opiyal ng Abu Sayyaf na nasakote sa magkakahiwalay na operasyon ng military.
Ayon kay Cimatu, si Theng ang spiritual leader, strategist at isa sa mga political leaders ng ASG na naka-base sa Tuburan at may patong sa ulo na P5 milyon. Naaresto ito ng mga tropa ng gobyerno sa Barangay Caddayan, Tuburan, Basilan dakong alas-4 ng hapon kamakalawa.
Inamin ni Theng na kabilang siya sa mga bandido na lumusob sa St. Peters Church at Dr. Jose Torres Hospital sa Lamitan, Basilan noong nakaraang Hunyo 2.
Ayon pa kay Theng, malawak ang koneksiyon ng ASG sa grupo ni Bin Laden at ginagamit umano ng ASG ang mga mosque para makapaghasik ng terorismo sa Basilan.
Nauna nang nadakip ang dalawa pang miyembro ng Abu Sayyaf na kinilalang sina Daud Tindaling Korong, 21, at Itang Awal Isnual, 47, pawang may patong sa ulong tig-P1 milyon bawat isa. Sina Isnual at Korong ay nadakip sa isang checkpoint sa Brgy. Coloma sa bayan ng Lamitan habang si Theng ay sa isinagawang follow-up operations sa Tuburan. Nabatid na si Korong ay sangkot sa Bolobo kidnapping at pagpugot sa 10 bihag noong Agosto 2. Siya ay positibong itinuro ng Bolobo kidnap victims nang iharap ito sa kanila.
Hinggil naman sa bayaw ni Bin Laden na si Mohammad Khalifa na may dalawang Pinay na asawa sa bansa, sinabi ni Cimatu na bineberipika pa nila kung aktibo pa rin ang relasyon nito sa kanyang mga asawang Filipina.
Sinabi ni Cimatu na isa sa asawa ni Khalifa ay namataan umano sa Maynila pero matagal na ito.
Naniniwala ang military na matapos maaresto ang tatlong opisyal ay nangangalahati na ang puwersa ng Abu Sayyaf. (Ulat ni Joy Cantos)