Sa report na ipinarating ng embahada sa Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon, kinilala ang dalawa na sina Ruben Ornedo, 39, naninirahan sa Eaglerock, California at Ronald Gamboa, 33, nakatira sa West Holywood, California.
Base sa flight manifest, si Ornedo ay kumpirmadong nakasakay sa American Airlines flight 77 na sumalpok sa Pentagon building, samantalang si Gamboa namay kumpirmado ring nakasakay sa United Airlines 175 na sumalpok naman sa south tower ng World Trade Center.
Samantala, mula noong Martes ay umaabot na sa 117 Pinoy ang iniulat ng kanilang pamilya dito sa Pilipinas na nawawala.
Karamihan sa mga iniulat na nawawala ay mga Filipino na namamasukan sa WTC at iba pang katabing tanggapan nito.
Kasabay nito, nagpalabas ang DFA Task Force on US Terrorists Attack ng mga pangalan ng mga Filipino na kumpirmadong nawawala at pinaniniwalaang nasa loob ng twin towers ng mangyari ang trahedya.
Itoy sina Grace Alegre Cua, nagtatrabaho sa Mitsui Bank sa WTC; Hector Tamayo, community leader ng Aklan Association at nagtatrabaho sa Vanderbilt Group Construction sa WTC; Arnold Lim, Carl Allen Peralta, trabahador ng Cantor Fitzgerald Securities sa WTC; Cynthia Betia, Benilda Domingo, Ramon Grihalvo, Jay Ceryll de Chavez, Marilyn Bautista, Renato Bonivacio, trabahador ng Morgan Stanley sa WTC; Maritess Santillan, Judy Fernandez, Joana Vidal at Frederick Kuo.
Dalawang Pinoy naman ang ligtas na matapos ilabas sa WTC Christ Hospital na kinilalang sina Christine Mongolen at Benilda Tagle. (Ulat ni Rose Tamayo)