Ayon sa jackpot player, handa siyang maging unang lotto winner na haharap sa media bilang buhay na patotoo na may nananalo sa lotto games.
Pero sinabi ni Conrado Zabella, ng PCSO on-line lottery sector, na kapalit ng paglantad na ito ay hindi nabatid na halaga ng insurance fee dahil sa posibilidad na dumugin siya ng kanyang mga kaibigan at kamag-anak na manghihingi ng balato.
Gayunman, sinabi ng PCSO na wala silang pera para sa insurance.
Sinabi pa ni Zabella na gustong makasiguro ng winner na sa sandaling ilantad siya sa publiko ay magkakaroon siya ng extra money para sa kanyang seguridad dahil tiyak umanong pag-iinteresan siya ng kidnap-for-ransom gangs, habang ang hinihinging talent fee ay para naman sa gagawin niyang promotion ng kanyang suwerte.
Base sa rekord, kabuuang 459 players na ang nanalo ng jackpot prizes na mula P3.5 million hanggang P164 million simula ng ipakilala ang lotto noong 1995.
Bilang patakaran, ang mga pangalan ng mga nanalo ay sikreto at tanging ilang top officials lamang ng PCSO ang nakakaalam.
Subalit naniniwala ang winner na panahon na para magharap sa publiko ng nanalo para na rin maalis ang duda na wala namang winners sa naturang laro.
Nagmungkahi pa ang winner na iharap siya sa media sa isang press conference at dito ay ibabahagi niya ang kanyang secret formula sa pagtama niya sa jackpot prize ng lotto games. (Ulat ni Perseus Echeminada)