Sa 23-pahinang resolution na ipinalabas ng Special Third Division ng Court of Appeals (CA), binigyang-diin nito na batay sa Rule 117 Sec. 8 ng revised Rules of Criminal Procedure, lumampas na sa dalawang taon ang nasabing kaso kayat hindi na ito maaari pang muling buksan at muling dinggin.
"With respect to offenses punishable by imprisonment of more than 6 years, their provisional dismissal shall become permanent 2 years after issuance of the order without the case having been revive," nakasaad sa resolution.
Nakasaad pa sa resolution na kung bubuksan muli ang nasabing kaso ay maaaring maging biktima na ng double jeopardy sina Lacson at iba pa nitong kasamahan.
Ang di pagpayag ng CA na mabuksan muli ang nasabing kaso ay alinsunod sa isinumiteng motion ni Lacson sa nabanggit na korte na humihiling na ibasura ang kahilingan ng Department of Justice (DOJ) na muling mabuksan ang kaso ng Kuratong Baleleng.
Magugunita na iniakyat ni Lacson sa CA ang petition nito matapos ibasura ng Manila Regional Trial Court Branch 40 Judge Herminia Pasamba ang petition ni Lacson na magpalabas ito ng temporary restraining order (TRO) para mapahinto ang DOJ sa pagbubukas nito ng Kuratong case. (Ulat ni Grace Amargo)