Naging tampulan ng katatawanan ang ipinakitang litrato ni ISAFP chief, Col. Victor Corpus na larawan umano ni Kim Wong na umanoy kaibigan ni Sen. Lacson, matapos matuklasan na ang nasa litrato ay hindi si Wong kundi si Stephen Villaflor, ang deputy chief of staff sa Senado ni Sen. Robert Barbers.
Kahapon ay napilitang lumantad si Kim Wong para linawing hindi siya ang nasa larawan.
Maging si Lacson ay natawa lamang sa huling "bomba" na pinasabog ni Corpus matapos na magpakita ng litrato na malayong-malayo sa hitsura ni Kim Wong na kanyang kaibigang may-ari ng mga resaurant.
Ayon kay Lacson, kung talagang nasa extensive probe nila ang sinasabing Kim Wong na drug lord, bakit naghanap sila ng litrato ni Kim hanggang sa mapunta pa sila sa bahay nito at pilit na nanghihingi ng larawan.
Kasabay nito, hinamon ni Kim Wong si Corpus na sampahan siya ng kaso sa korte kung mapapatunayan sangkot siya sa Hong Kong triad drug syndicate.
Ayon kay Kim Wong sa isang panayam, tahasang binatikos nito si Corpus matapos na idawit ng opisyal ang kanyang pangalan na kasapakat umano siya ni Senador Lacson sa pag-aangkat at pagkalusot ng P250 milyong droga sa bansa.
Sinabi ni Wong, nagmamay-ari ng mga restaurant sa may Harbor View sa Roxas Blvd., Ermita, Maynila, na ordinaryo lamang umano siyang negosyante at labis na umanong naapektuhan ang kanyang pamilya sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa droga.
"Ang mga anak ko, kinakantiyawan na sa kanilang school dahil sa isyu, pamilyo ko naaapektuhan na," ani Wong.
Si Wong ay sinasabing malapit na kaibigan nina Manila Mayor Lito Atienza, Chief Supt. Avelino Razon, Director Hermogenes Ebdane, Lacson at ilang hukom.
Sa panayam kay Razon, nasangkot na ang pangalang Kim Wong sa droga may ilang taon na ang nakakalipas subalit na-klaro umano si Wong sa Narcotics Command sa Camp Crame nang siya (Wong) ay personal na magtungo roon upang pabulaanan ang alegasyon.
Sinabi pa ni Razon na nagkakaedad ng 55 ang sinasabing Wong na sangkot sa droga habang si Wong na kanilang kaibigan ay nasa pagitan lamang ng 35-40.
Kaugnay nito, sinabi naman ng ilang opisyal ng PNP na kuwestiyonable ang biglang pag-angat ng kabuhayan ni Wong dahil sa isang negosyo lamang ang kanyang hinahawakan subalit sa kasalukuyan ay may ilang negosyo na ito at magagarang sasakyan.
Ayon naman sa source, mahilig umanong magregalo at makipagkaibigan si Wong sa mga mataaas na opisyal ng pamahalaan at hindi lamang cellphone kundi sasakyan ang kanyang madalas na iregalo. (Ulat nina Rudy Andal at llen Fernando)