Tulong ni GMA hiningi ng pamilya Espinosa

Hiningi na ang tulong ni Pangulong Arroyo ng pamilya ng napatay na si Masbate Mayor Moises "Jun" Espinosa Jr. para sa maagang pagkalutas ng malagim na pagpaslang dito at mawakasan na ang karahasang pulitikal sa kanilang lalawigan.

Ang panawagan ay ginawa ni Mario Espinosa, kapatid ng napatay na mayor sa isang panayam dito.

Idinaing ni Espinosa na tila lubhang mabagal ang ginagawang imbestigasyon kaya nangangamba silang baka ang hinahanap na mga suspek ay nakatakas na sa probinsiya.

"Totoo na ako po ang nagdesisyon na magbigay ng P1 milyong reward para sa kung sinong makapagtuturo sa suspek para matapos na ito. Siguro iyan lang ang paraan para may lumabas na testigo," wika ni Mario Espinosa.

Hindi inaalis ni Espinosa na pulitika ang maaaring motibo bagaman ang napaslang niyang kapatid ay nabibilang na sa ikatlong henerasyon.

Naghayag ng obserbasyon si Mario Espinosa na kada anim na taon ay mayroong nangyayaring masama sa kanilang pamilya.

Ang nasawi ay pangatlo nang miyembro ng pamilyang Espinosa na pinaslang 14 taon pagkaraang mapatay ang kanyang amang si Rep. Moises Espinosa Sr. sa Masbate Airport noong 1987 na nasundan ng kahalintulad ding pagpaslang sa kanyang tiyuhing si Rep. Tito Espinosa sa isang ambush sa Commonwealth Ave., QC noong 1995. Ang dalawang naunang kaso ay nananatiling unsolve crimes. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments