Ito ang pahayag ni First Gentleman Mike Arroyo ng kapanayamin kahapon ilang oras matapos bumalik kahapon sa bansa mula sa ilang araw na pagpapagamot sa Estados Unidos.
Ayon kay Mr. Arroyo, welcome siya sa imbestigasyon ni Ombudsman Aniano Desierto sa alegasyong tumanggap siya ng P50 million bribe money.
"I will submit myself to Ombudsman, mas mabuti iyon para malaman kaagad kung ano ba talaga, kung mayroon ba ako talagang involvement o wala," sabi ni Mr. Arroyo.
Muling nilinaw ng First Gentleman na ang pagpunta niya sa US ay walang kinalaman sa ginawang pag-absuwelto sa kanya ng correspondence secretary ng Pangulo na si Bing Rodrigo sa isyu ng telecom franchise deal.
Nagtungo umano siya sa Amerika para magpagamot dahil sa pananakit ng likod at pamamanhid ng binti. Kung hindi anya makuha sa gamot ang pamamanhid ng kanyang binti ay maaari itong maoperahan.
Samantala, tinangka umanong "patayin" sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang resolusyon na humihiling na imbestigahan ang pagkakasangkot ni Mr. Arroyo sa franchise payola.
Ibinunyag ni House Minority Leader Carlos Padilla na hindi isinama sa order of business noong nakaraang Lunes ang nasabing resolusyon na humihiling na imbestigahan ng House ang Presidential Husband. Magugunitang hindi pa man pormal na naihahain ang nasabing resolusyon ay nagturuan na ang dalawang komite ng Franchise at Transportation and Communication kung sino ang dapat humawak sa isasagawang imbestigasyon. (Ulat nina Lilia Tolentino at Malou Rongalerios)