Natuklasan kahapon ng mga miyembro ng oposisyon sa senado na may balak umano ang Malacañang na gumanti sa kanilang hanay dahil sa pagkapikon ng mga ito sa ginagawang pagbatikos kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ni Sen. Angara nang magbigay ito ng kontra-SONA sa senado.
Ayon sa kampo ng oposisyon, kinakalkal umano ngayon ng Malacañang ang nakabimbing unliquidated funds report sa Commission on Audit (COA) noong panahon na kalihim pa si Sen. Angara sa DA.
Layunin umano na sirain ang imahen ni Angara at iba pang miyembro ng oposisyon sa taumbayan para iligaw umano ang atensyon sa nakatakdang pasasabuging "Guns of August" ng oposisyon sa susunod na buwan.
Sinabi naman ni Angara na ang balak ng Malacañang ay desperadong hakbang na naglalayon lamang na iligaw ang publiko mula sa kahiya-hiyang pagkakamali ng pamahalaang Arroyo sa loob ng 6 buwan nitong panunungkulan. (Ulat ni Rudy Andal)