Si Mang Pandoy ang naging simbolo ng Ramos administration sa pagtulong ng gobyerno sa mahihirap para maiangat ang pamumuhay.
Binigyan ito ng isang sukat na lote at sariling bahay gayundin ng mapagkakakitaan para makatayo sa sariling paa upang maging ehemplo ng iba pang Pilipino na nagsisikap para maging kapaki-pakinabang na mamamayan.
"Ipinapahanap ko ang pamilya ni Mang Pandoy para matulungan din," wika ng Pangulo sa isang panayam.
Nais alamin ng Pangulo kung ano na ang nangyari sa kanilang pamumuhay pagkaraang tulungan ng gobyerno ni dating Presidente Ramos.
Hindi anya mangyayari ito sa buhay ng tatlong batang taga-Payatas na sina Jomar Pabalan, Jason Vann Banogan at Erwin Dolera. Pipilitin umano ng Pangulo na matupad ang mga pangarap ng tatlong bata.
Nakasaad sa mensahe ni Jomar ang kahilingang mabigyan ng pirmihang trabaho ang kanyang ama; si Jason naman ay mabigyan siya ng pagkakataong makapagpatuloy ng pag-aaral hanggang kolehiyo at si Erwin ay nais maipasara ang Payatas dumpsite at mabigyan ng lupa ang kanyang pamilya.
Magugunita na binatikos at tinawag na cheap political gimmick ang ginawang presentasyon ng Pangulo sa tatlong bata sa katatapos na SONA nito at ayon sa mga kritisismo, kinopya ng Pangulo ang Mang Pandoy ni dating Pangulong Ramos.
Ayon sa Pangulo, ang pamilya ng tatlong batang ito ay alaga ng KADAMAY, isang non-government organization at sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development buong serbisyo ang ibinibigay para mahango sa hirap ang pamumuhay.
Sinabi ng Pangulo na ang kahilingan ng tatlo ay kumakatawan sa empleyo o trabaho, edukasyon at sariling tahanan gayundin ang pagkain sa bawat mesa na mithiin ng masa. Ang mga ito ang pagsisikapang matugunan ng kanyang administrasyon. (Ulat ni Lilia Tolentino)