270 dayuhan naaresto ng Bureau of Immigration

Tinatayang aabot sa 270 dayuhan na pawang may mga kasong overstaying at lumabag sa Philippine Immigration Law ang naaresto ng Bureau of Immigration simula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan.

Sa report na isinumite ni Immigration Commissioner Andrea Domingo kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Justice Secretary Hernando Perez sa mga nadakip na dayuhan 105 dito ay pawang naipadeport sa kanilang bansa.

Samantala, 165 naman ay nanatiling nakapiit sa BI Detention Cell sa Bicutan Taguig at naghihintay ng order mula sa Board of Commissioners kaugnay ng kinahaharap na deportation proceedings.

Kalimitang overstaying at undocumented ang kaso ng mga dayuhan at 15 dito ay mga wanted sa sariling bansa dahil na rin sa kasong drug trafficking, murder at large scale estafa.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng Americans, Koreans, Chinese at Taiwanese na ginawang taguan ang Pilipinas matapos na ma-convict sa kasong kinahaharap sa kanilang bansa kung saan nakapasok naman ng Maynila sa pamamagitan ng paggamit ng pekeng pasaporte na dumaan sa Southern Backdoor.

Idinagdag pa ni Domingo bukod sa nasabing bilang, 14 pa na Vietnamese ang nakatakdang ipadeport sa susunod na linggo, ang mga ito ay naaresto ng maritime police sa karagatan ng Sabbayan Occidental Mindoro. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments