Ayon kay Bayan Muna Party List Rep. Crispin Beltran, hindi mareresolba ang problema ng mga magsasaka sa ginawang paglipat ng opisina ng Pangulo dahil hindi naman nito binago ang kanyang agenda hinggil sa agrikultura.
"Kahit saan pa siya mag-opisina kung patuloy naman niyang isusulong ang liberalization ng agriculture industry imbes na land distribution, walang mangyayari sa problema ng mga magsasaka," ani Beltran.
Ang agriculture plan umano ng gobyerno ay nakabatay sa programang isinusubo ng Asian Development Bank (ADB) at ng World Bank.
"Hindi ito magdudulot ng rural recovery dahil gagawin lang haven ng transnational business ang Pilipinas at siguradong ito ang magwawasak sa resources ng bansa," pahayag ni Beltran.
Isa umano si Pangulong Arroyo sa dapat sisihin sa dinaranas na problema ng agricultural sector dahil isa ito sa nagratipika sa General Agreement in Tariffs and Trade (GATT) at liberalisasyon ng ilang produktong pangsakahan noong 1995 na isa pa lamang siyang senadora.
Nakikita umano ngayon na lalong naging backwards o makaluma ang produksyon at ani ng mga magsasaka kaya inaangkat sa ibang bansa ang ilang produktong pang-agrikultura. (Ulat ni Malou Rongalerios)