Ayon sa kongresista, hindi dapat gawing katawa-tawa ang mga taong may kapansanan partikular ang mga bulag, bingi, pilay, at iba pang may kaawa-awang kalagayan.
Pinuna ni Villar na sa kasalukuyan ay napakaraming may kapansanan ang lumalabas sa telebisyon partikular sa mga comedy show.
Sa panukalang "Media Protection for the Disabled Act", papatawan ng mabigat na parusa ang sinumang tao na responsable sa paglabas ng mga taong may kapansanan sa telebisyon upang sila ay gawing butt of sick jokes.
Natural na umano sa mga Pilipino ang maging palatawa, subalit hindi naman kailangang gamitin pa ang mga kaawa-awang kalagayan ng mga disabled person upang magkaroon lamang ng pagtatawanan.
Sa sandaling maging isang ganap na batas, ang mga taong mapapatunayang nagkasala ay papatawan ng pagkabilanggo ng hindi hihigit sa anim na buwan o multa na hindi naman tataas sa P5,000. (Ulat ni Malou Rongalerios)