Abu Sabaya at pamilya nagpaplano nang tumakas palabas ng bansa

Nagpaplano nang tumakas palabas ng bansa si Abu Ahmad al Salayuddin alyas Abu Sabaya, kasama ng kanyang pamilya bunga na rin ng matinding "military pressure" na nararanasan sa Basilan.

Base sa nadiskubreng impormasyon ng AFP, kasalukuyang pinoproseso na ang pagkuha ng passport para kay Sabaya, sa kanyang mga anak, biyenan at mga kamag-anak para ilagay ang mga ito sa ligtas na lugar bunga ng all-out war ng tropang militar laban sa Sayyaf group.

Si Sabaya na ASG spokesman at may patong na P5M reward sa ulo nito ay maaari umanong gumamit ng alyas na HALONG sa pag-aaplay nito ng pasaporte.

Nabulgar pa na isang nagngangalang Hassan na maaaring kamag-anak ni Sabaya ang may kontak sa loob ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinukoy lamang sa pangalang Usman na siyang nagsasaayos ng maraming passports para sa naturang rebel spokesman at kaanak nito.

Ayon pa sa intelligence report, malaking halaga umano ang ipinansuhol ni Sabaya para maproseso ang passports nito at kanyang pamilya na umano’y bahagi ng milyong ransom na nakuha ng Sayyaf sa pinalayang mga bihag.

Hindi na umano mapalagay si Sabaya bunga ng military pressure laban sa ASG sa Basilan kung saan ay ibig nitong tiyakin ang kanyang kaligtasan at ng kanyang mga mahal sa buhay at mangyayari ito sa sandaling makalabas na sila ng bansa. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments