Ito ang muling tugon ng Ombudsman sa kahilingan ng mga abogado ni dating Pangulong Estrada sa paggigiit ng mga ito na ilagay na lamang ang mag-ama sa ‘Rest House Arrest’ sa halip na ‘House Arrest’.
Sinabi ni Ombudsman Aniano Desierto, kung walang probisyon sa Konstitusyon na nagsasaad na maaaring pairalin ang ‘house arrest’ ay lalo anyang walang probisyon na nagsasaad na maaaring pairalin ang ‘rest house arrest’.
Binigyang-diin pa ni Desierto na maaari lamang umiral ang house arrest kung ang isang bansa ay nasa ilalim ng tinatawag na revolutionary government.
Sa mosyong ipinagharap ng mga abogado ni Estrada sa Ombudsman ay dinahilan nito na habang naghihintay ng desisyon ng Sandiganbayan ang kanilang kliyente ay pansamantalang ilagak muna ang dating pangulo sa multi-million peso rest house nito sa Tanay, Rizal para na rin sa kalusugan nito.
Samantala, hindi na matutuloy ngayon ang isasagawang pagbasa ng sakdal o arraignment laban sa dating pangulo kaugnay sa kasong perjury at illegal use of alias sa Sandiganbayan.
Ayon kay Sandiganbayan 4th Division Justice Narciso Nario, inilipat sa Hunyo 27 ang arraignment ni Estrada dahil sa mabagal na pagsusumite ng komento ng panig ng prosecution hinggil sa motion to quasi na isinampa ng depensa. (Mga ulat nina Andi Garcia at Grace Amargo)