Sa Dacer / Corbito kidnap slay: Warrant of arrest inisyu vs 22 tauhan ng PAOCTF

Ipinalabas na kahapon ng Manila court ang warrants of arrest laban sa 22 pulis at sibilyan na kabilang sa binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) kaugnay sa pagdukot at pagpaslang sa public relations executive na si Bubby Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito.

Ang warrants of arrest ay inisyu ni Judge Rodolfo Ponferrada ng Manila Regional Trial Court branch 41.

"Ang warrant ay inisyu hindi lamang sa mga at-large pa, kundi maging doon sa mga sumuko sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at maging ang nasa custody ng NBI, dahil na rin sa wala pa silang (NBI at CIDG) legal na pinanghahawakan hanggang sa kasalukuyan", ayon pa sa source buhat sa korte.

Nabatid na ang nasa kustodya ng NBI ay yaong mga civilian agents na ngayon ay lumalabas na tetestigo laban sa kanilang mga dating kasamahan na ang pinakamataas ay si Superintendent Glen Dumlao. Sa 22 mga akusado, 13 dito ay mga pulis.

Kabilang sa mga ipinag-utos na arestuhin ay sina SPO4 Marino Soberano, SPO3 Mauro Torres, SPO3 Jose Escalante, Crisostomo Purificacion, Digo de pedro, Renato Malabanan, Margarito Cuenco at Rommel Rollan, na pawang nasa custody ng CIDG. Samantalang ang nasa kustodya naman ng NBI ay sina Jimmy at William Lopez at Alex Diloy.

Ang mga nakakalaya pa ay sina Dumlao, Chief Inspector Vicente Arnado, Inspector Roberto Langcauon, SPO4 Benjamin Taladua, SPO1 Rolando Lacasandile, Inspector Danilo Villanueva, SPO1 Mario Sarmiento, SPO1 William Reed, SPO1 Ruperto Nemeno at PO2 Thomas Sarmiento. (Ulat ni Jose Arravilla)

Show comments