P 1-M pabuya sa ulo ng Palawan kidnapers

Nakahandang magkaloob ng P1 milyong pabuya ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa sinumang makapagtuturo sa pinagkukutaan ng may 20 armadong bandido na dumukot sa 20 katao kabilang ang tatlong Amerikano, kamakalawa ng madaling araw sa Dos Palmas island resort sa Puerto Princesa, Palawan.

Ayon kay DILG Sec. Joey Lina, mas mapapabilis umano ang pagtukoy sa pinagtataguan ng mga bandido kung magbibigay ng pabuya. Ang pondo ay magmumula sa Palawan provincial government at Palawan provincial tourism board.

Kasabay ng pabuya ay inamin kahapon ng Abu Sayyaf sa pamamagitan ng kanilang spokesman na si Abu Ahmad al Salayuddin alyas Abu Sabaya na sila ang responsable sa pagdukot.

Ayon kay Sabaya, ginawa nila ang muling pagkidnap dahil sa umano’y minamaliit ng gobyerno ang bandidong grupo.

Sinabi ni Sabaya na hinati na nila sa dalawang grupo ang mga bihag kung saan 10 sa mga ito ang dinala sa Sulu sa ilalim ng pamumuno ni Ghalib Andang alyas Kumander Robot habang ang natitira ay nasa hideout naman nila sa Basilan sa pamumuno ni Mujib Susukan.

At para patunayan na nasa custody nila ang ilan sa mga bihag ay pinayagan ni Sabaya na magsalita ang dalawa sa mga biktima na sina Martin Burham at Luis Raul Recio na kapwa nanawagan para sa kanilang ligtas na kalayaan.

Ayon pa kay Sabaya, ang mga bihag na nasa kanyang grupo ay ang mag-asawang Amerikano na sina Martin at Gracia Burham, Guillermo Sobero, Recio, Francis at Teresa Ganzon, Maria Fe Rosadeno, RJ Recio, Angie Montealegre at Divine Montealegre.

Ang nasa grupo nina Robot at Susukan ay sina Janice Ting Co, Luis Bautista III, Lalaine Chua, Kimberly Letty Jao, Romero Regis, Maria Riza Rodriguez Santos, Sonny Dacque, Armando Bayona at Eldrin Morales.

Sa Malakanyang, tuloy na tuloy ang hot pursuit operations laban sa mga bandido at hinding-hindi papayag ang gobyerno na kumita ang Abu Sayyaf sa kanilang kidnaping activities.

Ayon kay National Security Adviser Roilo Golez, sinusuyod na ng magkasanib na mga puwersa ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at Philippine Navy ang karagatang binabagtas ng grupo.

Sa pinakahuling report, huling namataan ang mga kidnaper sa direksiyon ng Cagayan, Tawi-Tawi.

Sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Edilberto Adan na 10 Navy ships, limang helicopters ng Phil. Air Force ang sumusuyod sa katimugan at timog silangan ng Puerto Princesa, habang dalawang company brigade ng Phil. Marines ang inatasang magsagawa ng combat support operations at posibleng amphibious assault operations.

Nagbabala si Adan sa sinuman na huwag makikipagtulungan o magbibigay ng sanktuaryo sa mga kidnaper dahil maging ang mga ito ay aarestuhin.

Mariin pa rin ang ipinatutupad ng pamahalaan na no-ransom policy laban sa mga bandidong kidnapers.

Magugunita na nitong nakalipas na Linggo dakong alas-3:30 ng madaling araw ay kinuhang pilit ng tinatayang 20 kidnapers na pawang naka-bonnet at armado ng matataas na kalibre ng armas ang dalawang mangingisda at ginawang guide papasok sa Dos Palmas resort.

Walong cottages na kinaroroonan ng mga bihag ang pinasok at dinukot ang mga bihag. Nagtagal ang mga bandido sa loob ng may 30 minuto bago nagsitakas. (Mga ulat nina Rudy Andal,Ely Saludar,Lilia Tolentino,Joy Cantos at Rose Tamayo)

Show comments