Bagaman sinabi ng Pangulo na ang pinal na desisyon ay nasa Sandiganbayan, kung siya anya ang tatanungin ay wala itong tutol sa nasabing kahilingan ni Estrada.
Ayon kay Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao, sa loob ng 25 minutong pag-uusap ng dalawa, sinabi ng Pangulo na mahuhusay ang mga abogado ni Estrada kaya maaaring maiharap sa Korte ang mga kadahilanan kung bakit mas makabubuting pumailalim siya sa house arrest imbes na ibalik sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
Nabatid na nagpunta sa Veterans hospital si Pangulong Arroyo matapos mabalitaang parang nagkakaroon ng "depression" si Erap dahil ayaw na umano nitong mabalik sa Laguna.
Sinabi pa ni Tiglao na ikinalugod ng Pangulo ang pagtawag muli sa kanya ni Estrada ng "Madam President" kasabay ng alok nitong makipagtulungan para sa pagsusulong ng kanyang mga programa para sa mahihirap tulad ng pabahay.
Binati rin ng Pangulo si Estrada sa pagkakabilang kay dating Unang Ginang Loi Ejercito sa magic 13 ng kandidatong mga senador, habang binati naman ni Estrada si Arroyo sa mga ulat na maraming kandidato ng PPC ang lumalamang sa katatapos na halalan.
Ayon naman sa ilang tagamasid, ang nasabing pagdalaw ng Pangulo kay Estrada ay bilang pagpapakita ng kanyang makatotohanan at tapat na pakikipagkasundo sa oposisyon sa layuning maisulong na ang mga programa ng pamahalaan tungo sa kaunlaran.
Ito ang kauna-unahang pagkikita ng dalawa matapos ang May 14 elections kung saan ang kani-kanilang mga partido ang naglalaban, partikular sa krusiyal na 13 seats sa Senado.
Mula sa Veterans Hospital ay dinalaw din ng Pangulo ang nakabakasyong si Executive Secretary Renato de Villa sa tahanan nito sa Ayala Heights, QC.
Inalam naman ng Pangulo kung malakas na si de Villa matapos sumailalim sa triple bypass sa Makati Medical Center noong nakaraang buwan. Bagaman namayat, nasa mahusay na kalagayan na si de Villa.
Nauna rito, dumalaw din ang Pangulo sa burol ng napaslang na si Rep. Marcial Punzalan bago nagtungo sa Silang, Cavite kung saan siya ang nagbukas ng ceremonial tee-off ng "Alay sa Kawal Cup" sa Riviera Golf and Country Club.
Ang kikitain ng nasabing golf tournament ay mapupunta sa mga sundalong nasugatan sa pakikipaglaban. (Ulat ni Lilia Tolentino)