Ayon kay Ople, mas dapat na binigyan ng pansin ng mga botante ang pagkakaroon ng kinatawan sa Mindanao sa pamamagitan ng kanilang pagboto kina Santanina Rasul at Ombra Tamano, kapwa ng LDP-Puwersa ng Masa.
Sinabi ni Ople na kailangan ang boses ng mga Muslim sa Senado upang malaman ng pamahalaan ang kanilang mga pangangailangan at maiwasan ang anumang gulo sa pagitan nito at ng administrasyon.
Ito aniya ang dahilan ng paggigiit ng mga Muslim na magkaroon na lamang sila ng sariling estado matapos na balewalain ng mga nakaraang administrasyon.
Ikinabahala rin ng Senador na hindi na mapansin pa ang mga Muslim sa sandaling maproklama na ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga nanalong senador sa nakaraang eleksyon.
Nagpahayag din ng kasiyahan si Ople nang italaga ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo si dating Congressman Simeon Datumanong bilang Kalihim ng Department of Public Works and Highways.
Umaasa rin si Ople na madadagdagan pa ang bilang ng mga Muslim na maipupuwesto ng administrasyon upang maalis sa isip ng mga ito na mayroong diskriminasyon.(Ulat ni Doris Franche)