Ayon sa isng Army official na tumangging magpabanggit ng pangalan, isa ito sa tatlong anggulong sinisilip base sa nakalap na intelligence report.
Sa ipinadalang report ni Quezon provincial director alberto mercado, isa sa posibleng dahilan ng pagpatay kay Punzalan ay ang matagal na away sa pulitika ng angkan ng biktima at dating Mayor Aniano Wagan ng San Antonio; ikalawa ay ang galit ng New People’s Army (NPA) sa kongresista dahil sa ginawa nitong pagpapasuko noon kay NPA leader Hector Mabilangan, at ang mainit na labanan sa 2nd district ng lalawigan kung saan ay tumatakbo bilang kongresista ang maybahay nitong si Lynette.
Pinaghahanap pa rin ng pulisya si ex-mayor Wagan na matagal na umanong nagtatago matapos itong sampahan ng kasong murder ni Rep. Punzalan dahil sa ginawang pagpaslang din sa kanyang ama na si Marcial Sr. noong 1984.
Kahit inamin ng Melito Glor Command ang ginawang pagpatay sa kongresista, malaki pa rin ang paniwala ng pamilya Punzalan na may kinalaman ito sa pulitika at hindi gawa ng NPA ang pagpaslang.
Magugunita na binaril sa ulo ang mambabatas ng anim na armadong lalaki habang nakikipagkamay sa mga supporter ng kanyang maybahay habang ang bodyguard nito na si Conrado Soriano ay nasawi din matapos barilin sa ulo at katawan, samantala sugatan din ang isa pang bodyguard na si Nemesio Barnachea.
Sa kabila nito, sinabi ni Mrs. Punzalan, na hindi mapipigil ng bala ang kanyang kandidatura.
Si Punzalan ang ikalawang opisyal ng Southern Tagalog na napaslang at inako naman ang pagpatay ng NPA Melito Glor Command.
Magugunitang unang inamin ng NPA ang pagpatay kay Tanauan City Mayor Cesar Platon na tumatakbong gobernador sa nasabing lalawigan ng Batangas.
Nakatakdang ilipat ngayong hapon ang mga labi ni Punzalan sa simbahan ng Forbes Park, Makati at ililibing sa Sabado. (Mga ulat nina Rudy Andal at Malou Rongalerios)