Bandang alas-3 ng hapon kahapon ng payapang sumama si Maceda kay PNP-IG chief, Sr. Supt. Reynaldo Berroya. Sinamahan si Maceda ng ilang miyembro ng kanyang pamilya at abogadong si Atty. Alfredo Lazaro.
Dinala si Maceda sa headquarters ng PNP-IG sa Camp Crame kung saan ito inimbestigahan bago isasailalim sa kustodya ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group.
Sa panayam, malungkot na sinabi ni Maceda na sa gulang na 66 anyos na may sakit pang diabetes gayundin sa puso ay wala na siyang panahong makisangkot sa panggugulo laban sa administrasyong Arroyo.
Itinanggi ni Maceda na hinikayat niya sa Edsa rally ang mga loyalista ni Erap na sugurin ang Palasyo at hindi rin umano siya nagsasalita ng maanghang laban sa gobyerno.
Pinabulaanan rin ni Maceda ang napaulat na lihim siyang nakipagpulong kina Senators Gregorio Honasan, Juan Ponce Enrile at Panfilo Lacson sa Discovery Suites bago naganap ang madugong komprontasyon sa Mendiola.
Ipinapalagay ni Maceda na ang pagdakip sa kanya ay paghihiganti umano ng kampo ni Arroyo.
"I turned down offers to be Executive Secretary or DTI secretary six times. I refused to run for the Senate under the Puwersa ng Masa. I resigned as ambassador last October. I have long announced I was retiring. There is absolutely no ambition left in me to go back into power," pahayag pa ni Maceda.
Kabilang rin sa mga aarestuhin sina Honasan, Lacson, Army Brig. Gen. Marcelino "Jake" Malajacan, P/Sr. Supts. Michael Ray Aquino at Cesar Mancao, PMAP leader Ronald Lumbao at Cesar Tanega.
Tulad ni Enrile, handa rin si Sen. Miriam Defensor-Santiago na magpakulong kung ito’y ipaaaresto ng Department of Justice (DOJ) sa bisa ng warrantless arrest.
Sinabi ni Santiago na hindi siya natatakot sa banta ng DOJ na magsasampa ng kasong sedition laban sa kanya dahil sa direktang partisipasyon nito sa naganap na Edsa 3 dahil itoy isang bailable offense.
Inihayag naman ni Justice Secretary Hernando Perez na tuluyan na ring aarestuhin ng pamahalaan si Santiago matapos nitong tanggihan ang alok ng Justice department na maging state witness sa kasong rebelyon sa mga akusadong umano’y nagplano, tumulong o nanulsol sa mga pro-Erap loyalists para lusubin ang Malakanyang.
Kasabay nito, hiniling ni Santiago sa Korte Suprema na ipalabas ang resolution ng kanyang petition na nagpapawalang-saysay sa warrantless arrest sa ilalim ng state of rebellion.(Ulat nina Joy Cantos,Lilia Tolentino at Grace Amargo)