"Nasa likod ng administrasyong ito ang Armed Forces of the Philippines at ang Philippine National Police at nakahanda silang harapin ang anumang hamon sa Konstitusyon," sabi pa ng Pangulo.
Inatasan din ng Pangulo ang pulisya na magpatupad ng maximum tolerance sa mga demonstrador na nagtipon-tipon sa EDSA Shrine mula nang makulong si dating Pangulong Joseph Estrada noong Miyerkules.
Nagbabala rin ang Pangulo sa mga pulitiko na nagsasamantala umano sa kasalukuyang sitwasyon para isulong ang kanilang ambisyong pulitikal sa pamamagitan ng umanoy People Power 3 ng mga Estrada supporter. Pagkaraang arestuhin si Estrada, higit na bumaba ang halaga ng piso sa halagang P50-$1 at bumaba ang puhunang pumapasok sa stock market.
Ilang tagasuporta ng Pangulo ang nagsabing ang oposisyon umano ang nanggagatong sa mga nasa EDSA Shrine para magpatuloy sa kanilang demonstrasyon at kamuhian ang pamahalaan sa pagkakaaresto kay Estrada. Nanawagan ang Pangulo sa mamamayan na huwag magpagamit sa mga tao na nag-aambisyong maisulong ang kanilang adyendang pulitikal. Iginiit din ng Pangulo na mabibigyan ng pagkakataon si Estrada na maipagtanggol ang sarili nito sa korte. Sinasabi ng isa sa mga anak ni Estrada na si Jose Victor o JV na umaabot na sa 1.5 milyon ang nasa EDSA Shrine pero iginigiit ni Eastern Police District Director C/Supt. George Alino na 35,000 lamang ang naroon. May mga lugar umano na hindi siksikan ang mga tao kaya imposibleng umabot sa isang milyon ang nasa EDSA Shrine.
Pinabulaanan din ni JV na binaboy ng kanilang mga tagasuporta ang EDSA Shrine lalo na ang tansong estatwa rito ng Our Lady of Peace.
Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Joey Lina na malayang makakapagprotesta ang mga tagasuporta ni Estrada pero hindi nila dapat babuyin ang naturang lugar.
Sa isa namang panayam sa Ninoy Aquino International Airport bago siya lumipad patungo sa Bangkok para dumalo sa ASEAN Ministers Meeting, sinabi ni Vice President Teofisto Guingona na "business as usual" ang pamahalaan at hahayaan lang ang rally sa EDSA Shrine hanggat hindi gumagawa ng kaguluhan ang mga loyalista ni Estrada. (Ulat nina Lilia Tolentino, Danilo Garcia, Rudy Andal at Butch Quejada)