Sinabi ni Presidential Chief of Staff Renato Corona na magbabago ang naturang task force dahil ipapailalim na ito sa chain of command ng Philippine National Police at hindi na sa tanggapan ng Pangulo.
Sinabi pa ni Corona na si General Hermogenes Ebdane pa rin ang mamumuno sa task force na ipapalit sa PAOCTF.
Nilinaw din ni Corona na hindi pa nalalagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang executive order na bubuwag sa PAOCTF na naging kontrobersyal dahil sa pagkakasangkot umano ng ilan nitong tauhan sa pagdukot at pagpatay sa publicist na si Salvador Dacer.
Sinabi ni Corona na nawalan na ng kredibilidad ang PAOCTF kaya dapat na itong buwagin.
Tiniyak din ni PNP Chief Director General Leandro Mendoza na agaran nilang aaksyunan ang mga nakabimbing kasong kriminal na maiiwan ng PAOCTF pagkabuwag dito. Meron anya silang sapat na tauhan at kagamitan para ipagpatuloy ang trabaho ng task force.
Nagpahayag ng suporta sa pagbuwag sa PAOCTF sina Senate minority leader Renato Cayetano, Senador Ramon Magsaysay Jr. at Las Piñas Congressman Manuel Villar.
Sinabi ng naturang mga mambabatas na dapat ding panagutin sa mga kinasasangkutang krimen ang ilang mga opisyal at miyembro ng PAOCTF at kilalanin munang mabuti ang mga tao na itatalaga sa itatatag na bagong task force
Hinamon naman ni Laban ng Demokratikong Pilipino senatorial candidate Panfilo Lacson ang Pangulo na ihayag sa publiko ang intelligence report na pinagbasihan ng desisyon nitong buwagin ang PAOCTF na dati niyang pinamunuan.
Binalaan ni Lacson si Arroyo na madedemoralisa ang PNP sa mga gawa-gawang istorya ng mga alipores ng Pangulo laban sa mga pulis na nag-alay ng kanilang buhay para sa bansa. (Ulat nina Ely Saludar, Joy Cantos at Grace Amargo)