Isa sa abogado ni Estrada na si Atty. Raymund Fortun ang nagsabing malaki ang kanilang paniniwala na dadakpin na bukas ang dating Pangulo dahil may nasagap silang impormasyon na kumpleto na ang mga tauhan ng Marines na aaresto rito.
Pinuna ni Fortun na talagang itinatapat ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ipamukha kay Estrada na malas ito sa numerong 13 dahil sa a-trese ang petsang babagsakan ng Biyernes Santo.
Idiniin ng abogado na hindi imposibleng gawin ng administrasyon ang kanilang pangamba dahil nagiging posible na ang lahat ng imposibleng bagay para lang sikilin ang dating pangulo.
Gayunman, umaasa si Fortun na may kaugnayan lang sa mga kaso ni Estrada na napipiyansahan ang warrant of arrest na ipapalabas laban dito ng Sandiganbayan.
Naunang inihayag ni Sandiganbayan Presiding Justice Francis Garchitorena na sa susunod na linggo na maaaring ipalabas ang arrest warrant ng dating pangulo.
Tiniyak din ng Ombudsman na hindi aarestuhin bukas si Estrada dahil tradisyon nang hindi nagpapalabas ng arrest warrant ang korte sa panahon ng Semana Santa.
Samantala, sinabi ng kandidatong senador na si Oliver Lozano na may 1.5 milyong miyembro ng Coalition of People Empowerment at tagasuporta ni Estrada ang takdang mag-vigil sa bahay ng dating pangulo sa Polk St., Greenhills, San Juan.
Sinabi ni Lozano na aarestuhin ng mga miyembro ng COPE ang sinumang magtatangkang dakpin si Estrada. (Ulat nina Grace Amargo at Rudy Andal)