Kasabay nito, inamin ni Comelec Chairman Alfredo Benipayo na marami sa kanilang trabaho ang nabibimbin dahil madalas na walang quorum sa mga pulong ng komisyon na dulot din ng naturang iringan.
Pawang mga Estrada appointee ang mga komisyuner ng Comelec na sina Rufino Javier, Ralph Lantion at Luzviminda Tancangco samantalang si Arroyo naman ang nagtalaga kina Benipayo, Commissioners Resureccion Borra at Florentino Tuazon.
Naunang nagbanta si Tancangco na kukuwestyunin niya sa Supreme Court ang legalidad ng kautusan ni Benipayo na italaga sa printing committee ng Comelec sina Tuazon, Borra at Director Estrella de Mesa.
Sinabi naman ni Benipayo sa isang pulong-balitaan kahapon na haharapin niya si Tancangco sa korte. Iginiit niya na ginagamit lang niya ang kanyang administrative power.
Ipinahiwatig ni Benipayo na hindi niya nagugustuhan ang pamamalakad ni Tancangco sa naturang komite kaya kailangang magpadala siya rito ng kanyang kinatawan. (Ulat ni Jhay Mejias)