Sinabi ni Belmonte na baka umabot lang ng dalawa o tatlong araw ang sesyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso para malutas ang naturang problema.
Kasabay nito, naghain si Isabela Congressman Heherson Alvarez ng panukalang-batas na magsususog sa Republic Act 81819 na nagbabawal sa pagdaraos ng rehistrasyon 120 araw bago magdaos ng halalan.
Nagbabala naman si Senate President Pro-Tempore Blas Ople na posibleng ipaaresto ang mga senador at kongresista na hindi sisipot sa special session na ipapatawag ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para pagtibayin ang bill na magtatakda ng special registration ng mga bagong botante.
Sa Malacañang, pinabulaanan ni Presidential Spokesman Renato Corona ang akusasyon ng ilang sektor na iginigiit ng Pangulo ang special registration para magamit ang boto ng mga kabataan sa pagwawagi ng mga kandidato ng People Power Coalition.
Sinabi ni Corona na masyadong mababa ang tingin sa mga kabataan ng mga gumagawa ng naturang akusasyon. (Ulat nina Marilou Rongalerios, Doris Franche at Lilia Tolentino)