Pulis na susuporta sa kandidato binalaan ni GMA

Inatasan kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Acting Philippine National Police Chief Deputy Director General Leandro Mendoza na maghigpit sa mga pulis na nangangampanya para sa ilang kandidato sa pambansa at lokal na halalan.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa 15th Annual Convention ng National ROTC Alumni Association na isang uri ng electioneering o paglabag sa Omnibus Election Code ang gawain ng naturang mga pulis.

Idiniin ng Pangulo na dapat manatiling walang kinikilingan ang mga pulis at militar sa nalalapit na halalan.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag dahil sa ulat na ilang aktibong heneral ang tumutulong sa kampanya ni dating PNP Chief Director General Panfilo Lacson na kumakandidatong senador.

Sinabi naman ni Mendoza na takdang ipalabas ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Biyernes ang resulta ng imbestigasyon nito sa walong heneral at apat na koronel na tumutulong umano sa kandidatura ni Lacson. (Ulat nina Ely Saludar at Joy Cantos)

Show comments