Ito ang nabatid sa isang pahayag kahapon ng Malacañang na nagsabing binawi ng isang testigo na isa ring overseas Filipino worker ang kanyang testimonya kasabay ng pagdidiin na tinorture siya para isangkot sa krimen ang mga akusadong Pilipino na sina Sergio Aldana, Alex Hugo, Antonio Alveza, Willy Bautista, Miguel Fernandez at Joven Praxidio.
Naakusahan ang anim na OFW ng pagpatay sa kapwa nila Pilipino na si Jaime de la Cruz makaraang manalo ito sa isang iligal na loterya sa Saudi Arabia noong nakaraang taon. Sinabi ng Malacañang na nakatakda sa Marso 14 ang susunod na pagdinig sa naturang kaso. Naunang napaulat na ang asawa ni dela Cruz ay pumapayag na iurong ang demanda kapag nagbayad ng P6 na milyong blood money at humingi ng tawad ang mga akusado.
Sinabi naman ni National Labor Relations Commission Chairman Roy Seneres na personal niyang aasikasuhin ang naturang kaso.
Sinabi ni Seneres na, kung ang anim na OFW ang pumatay kay dela Cruz, dapat sanang nagtago na sila at pinaghati-hatian ang perang napanalunan ng biktima.
Hindi makapaniwala si Seneres na magagawa ni Alveza ang krimen. Isa anyang inhinyero si Alveza na 14 na taon nang nagtatrabaho bilang isang superbisor at sumasahod ng $800 kada buwan sa Saudi Arabia. (Ulat ni Lilia Tolentino)