Binatikos ni Maligalig ang sinasabing tampo ng mga opisyal at tauhan ng Marines dahil sa pagkastigo sa kanila ni Wong hinggil sa anomalya sa Navy lalo na sa Marines.
Sinabi pa ni Maligalig na sanay na sa bulyaw at ibang parusa ang Marines kaya naniniwala siyang hindi totoong nagalit ang mga opisyal nito sa istilo ng liderato ng Marines.
Maaari anyang napahiya ang mga kinauukulang opisyal sa pagkakabunyag sa mga anomalya sa Marines tulad ng sa pagbili ng mga mahihinang klaseng helmet at baril.
Nabatid na inalok kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Wong ng bagong posisyon sa pamahalaan nang magtungo ang huli sa Malacañang.
Sinabi ni Wong sa mga reporter pagkatapos niyang makipagpulong kay Arroyo na ipinatawag siya nito para alamin ang hinggil sa mga anomalya sa Marines.
Sinabi pa ni Wong na interesado siya sa tungkuling ibibigay sa kanya ng Pangulo pero tumanggi siyang banggitin kung anong posisyon ito.
Samantala, nagpahayag ng kahandaan si dating Marines Commandant Maj. Gen. Guillermo Ruiz na magpaimbestiga kaugnay ng ibinunyag ni Wong na pagkawala umano ng P64.9 milyong pondo sa pagtatayo ng himpilan ng Marines sa Cavite.
Sinabi ni Ruiz na naimbestigahan na ng punong-himpilan ng AFP ang naturang kaso at nalinis na ang pangalan niya kaya walang dahilan para kalkaling muli ito ni Wong. (Ulat nina Joy Cantos at Ely Saludar)