Pinuna kahapon ni Senador Renato Cayetano, vice president for Luzon ng Lakas-NUCD na miyembro ng koalisyon, ang kapalpakan ng mga iskedyul ng pangangampanya sa Caloocan City at Makati City na isinagawa nang hindi naabisuhan ang lahat ng 13 nilang kandidatong senador.
Binanggit pa ni Cayetano na, hanggang sa kasalukuyan, wala pang punong-himpilan ang koalisyon. Ikinairita rin ni Sen. Franklin Drilon ang mga iskedyul ng kampanya sa mga lalawigan na inihahanda ng campaign director ng koalisyon na si Paul Aquino.
Hinihinala ni Cayetano na ginugulo umano ni Aquino ang kanilang iskedyul dahil kapatid ito ng kandidatong kongresista sa Makati na si Butz Aquino na kabilang sa oposisyong Laban ng Demokratikong Pilipino.
Ilan din anya sa mga reeleksyunistang senador ang nangangampanya nang nag-iisa sa Visayas at Mindanao. Dahil dito, takdang pulungin ni Cayetano ang mga lider ng mga partidong kasama sa koalisyon. (Ulat ni Doris Franche)