Bagong gambling lords sa bansa nagsulputan

Ilang bagong grupo na ng mga gambling lord ang nagpapalakad ng jueteng sa bansa makaraang mag-lie low ang mga kilalang jueteng lord dahil sa naudlot na paglilitis sa kasong impeachment laban kay dating Pangulong Joseph Estrada.

"Ang mga bagong grupong ito ng mga gambling lord ang namamahala na sa operasyon ng jueteng at masiao sa iba’t ibang bahagi ng bansa," sabi ni Department of Interior and Local Government Secretary Joey Lina sa isang pulong-balitaan kahapon.

Gumagamit na rin anya ng taktikang gerilya ang mga maliliit na operator ng jueteng para makalikom ng salapi na gagamitin sa halalan.

Sinabi rin ni Lina na hindi na koordinado ngayon ang operasyon ng mga iligal na sugal na hindi tulad noong nakaraang taon nang ibunyag ni Ilocos Sur Governor Luis Singson ang pagkolekta nito ng jueteng payola para kay Estrada.

Idinagdag ni Lina na ilang kandidato sa lokal at pambansang halalan ang tinatangkang lapitan at sustentuhan ng mga jueteng operator para magkaroon ng garantiya na makakapagpatuloy ang kanilang operasyon kapag nanalo ang kanilang kandidato. (Ulat ni Perseus Echeminada)

Show comments