Ito ang ibinintang kahapon ng ilang kongresista ng United States na sina Reps. Dana Rohrabacher, Roger Wicker at Darell Issa na dumalaw kahapon kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Malacañang.
Sinabi ng tatlong dayuhang kongresista na walang pasubaling kinikilala ng U.S. ang lehitimong awtoridad ni Arroyo na pumalit kay Estrada kasunod ng pangalawang EDSA people power revolution.
Sinabi ni Rohrabacher na ang China ang responsable sa panunuhol kay Estrada at nagbantang gagamit ito ng puwersang militar para nakawin ang depositong langis at gas ng Pilipinas.
Sinabi ni Darell na isang katotohanang hindi mapapasubalian ang bantang panganib ng komunistang Tsina sa demokratikong mga bansa sa Asya.
Sa isang hapunan kamakalawa ng gabi, nanawagan si Speaker Feliciano Belmonte sa grupo ni Rohrabacher na tumulong sa Pilipinas para matiyak na mapapaganda ang ekonomiya nito. Lalong lalakas anya ang pamumuhunan sa Pilipinas kung tutulungan ng Amerika.
Samantala, pinaboran ni Foreign Affairs Undersecretary Lauro Baja ang pahayag ni National Security Adviser Roilo Golez na idaing sa pandaigdigang komunidad ang patuloy na pagpasok ng mga barkong pangisda ng China sa pinagtatalunang mga isla sa Spratly sa South China Sea.
Iginiit ni Baja na iligal ang mga istrukturang itinayo ng mga Intsik sa Scarborough Shoal. (Ulat nina May ulat nina Lilia Tolentino, Malou Rongalerios at Rose Tamayo)