Isang reklamong nakarating sa tanggapan ng Consular Affairs Division ng Department of Foreign Affairs ang nagsasaad na na-"comatose" ang isang bilanggong Pilipino na si Wilfredo Bautista dahil sa pag-"torture" umano sa kanya ng Saudi Police.
Kabilang si Bautista sa anim na overseas Filipino worker na napipintong mapugutan dahil sa pagpatay nila sa isa pang Pilipinong si Jaime dela Cruz sa Taif, Saudi Arabia noong Enero 1999.
Makakaiwas sila sa parusang bitay kung tatanggap ng blood money ang biyuda ni dela Cruz.
Inireklamo naman ng asawa ni Bautista na si Marissa Pangilinan na nabalda ang katawan ng kanyang mister bukod sa nabalian ito ng baywang at tanging mga mata na lang nito ang gumagalaw dahil sa dinanas nitong torture.
Mula sa Al Hada Armed Forces Hospital ay inilipat si Bautista sa King Faisal Hospital sa naturang bansa dahil sa tinamo nitong pinsala sa katawan.
Isa naman sa umanoy testigo sa kasong pagpaslang kay dela Cruz na si Russel Catibog ang nagreklamo sa Office of Legal Assistant for Migrant Workers na tinorture siya ng Saudi Police para isangkot niya ang anim na OFW sa krimen kahit hindi niya nakita ang pangyayari. (Ulat ni Rose Tamayo)