Naakusahan din ang anim ng pagnanakaw sa 270,000 Saudi riyals na napanalunan ng biktimang si Jaime dela Cruz sa iligal na lotto sa naturang bansa.
Si dela Cruz na isang labandero sa Al Hada Armed Forces Hospital sa Taif, Saudi Arabia ay natagpuang patay sa kanyang silid sa naturang ospital noong Enero 6, 1999.
Nabatid sa consul general ng Pilipinas sa Jeddah na si Kadatuan Usop na nakabimbin pa rin ang kaso ng anim na suspek sa Al Salama Police Station sa naturang bansa dahil hinihintay pa ng mga awtoridad doon ang pahayag ng biyuda ng biktima na si Gng. Eva dela Cruz.
Napaulat na nakahandaang patawarin ni Gng. Dela Cruz ang mga suspek kung babayaran siya ng mga ito ng kabuuang P6 na milyon bilang blood money.
Kasalukuyang nakakulong sa Taif General Prison ang mga suspek na sina Alexander Hugo, Wilfredo Bautista, Antonio Alvesa, Jarren Khalid Praxidio, George Aldana at Miguel Fernandez Jr..
Ipinaliwanag ni Usop na, para mailigtas sa parusang bitay ang naturang anim na Pilipino, kinakailangan pumayag si Gng. De la Cruz sa death compesation o blood money.
Sinabi pa ni Usop na, kung hindi magpapatawad si Gng. Dela Cruz at hindi nito tatanggapin ang blood money, matutuluyan nang mabitay ang mga akusado.
Sinasabi naman ni Atty. Raul Dado ng Office of Legal Assistant for Migrant Workers na humihingi umano si Gng. Dela Cruz ng tig-P1 milyon mula sa bawat isa sa mga akusado bago ito lumagda sa isang affidavit of forgiveness.
Pero nabatid din na binawi ng testigong si Russel Catibog ang nauna niyang pahayag sa pulisya na nagdadawit sa mga suspek sa naturang krimen.
Idiniin ni Catibog sa kanyang affidavit of retraction na hindi niya kailanman nakita ang pagkakapatay kay dela Cruz dahil natutulog siya sa kanyang kuwarto nang maganap ang krimen. Binanggit pa niya na pinuwersa lang siyang lumagda sa isang pahayag na nasa salitang Arabo at hindi ipinaliwanag sa kanya ang nilalaman. Sinabi pa ni Catibog na na-frame up lang siya para tumestigo laban sa mga akusado.
Sinabi naman ni Dado na walang aktuwal na nakakita sa pagpatay kay dela Cruz. (Ulat ni Rose Tamayo)