Ito ang inihayag kahapon ni PNP Chief Deputy Director General Leandro Mendoza para agad malutas ang pagkakapaslang kay Lagman sa loob ng Diliman campus ng University of the Philippines sa Quezon City noong Pebrero 6.
Sinabi ni Mendoza na masyadong makulay ang buhay ni Lagman kaya maraming anggulo silang sinisiyasat sa kasong pagpaslang dito.
Nabatid din sa opisyal na lumilinaw ang kaso nang positibong kilalanin ng anak ng biktima at ng isang miyembro ng grupong Sanlakas ang dalawa sa mga salarin na kumpirmado umanong kunektado sa ilang maka-Kaliwang grupo.
Ilang impormante sa pulisya ang nagsabing kinumpirma ng anak ni Lagman na si Dante at ng kalihim ng Sanlakas na si Michelle Canos na nakita nila ang dalawa sa mga suspek sa lugar na pinangyarihan ng krimen ilang minuto bago ito naganap.
Kilala umano nila ang dalawa dahil, kung hindi sila nagkakamali, mga miyembro ito ng isang maka-Kaliwang grupo at dating kaalyado ni Lagman.
Hindi binanggit ng impormante ang pangalan ng dalawang suspek dahil patuloy pang tinutugis ang mga ito.
Sinabi naman ni Mendoza na tinitingnan din nila ang posibilidad na sangkot sa krimen ang mga rightist o counter-revolutionary group at yaong mga tagasuporta ni dating Pangulong Joseph Estrada. Pero wala silang konkretong ebidensya rito.
Maaari anyang bahagi ng panggugulo sa bagong pamahalaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagpatay kay Lagman. (Ulat nina Joy Cantos at Rudy Andal)