Hatol ng Senado igalang

Umapela kahapon ang Malacañang kay Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin na igalang ang anumang hatol na igagawad ng impeachment court o Senado kay Pangulong Joseph Estrada.

Ginawa ni Press Undersecretary Mike Toledo ang panawagan bilang tugon sa banta ni Sin na mangunguna ito sa pangalawang people power revolution kapag naabsuwelto ang Pangulo sa mga kaso nitong bribery, graft and corruption, betrayal of public trust at culpable violation of Constitution.

Sinabi ni Toledo na mismong ang publiko o mayoryang Pilipino ang ayaw na muling mangyari ang people power revolution o kudeta batay na rin sa resulta ng survey.

Kumpiyansa ang Malacañang na hindi magtatagumpay ang panibagong people power revolution laban sa administrasyong Estrada.

Nilinaw ni Toledo na magkaiba ang sitwasyon ngayon at ng kay dating Pangulong Ferdinand Marcos na pinatalsik ng people power revolution noong 1986. (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments