Dichaves ipinakukulong

Hinikayat kahapon ng mga oposisyong kongresista ang Senado bilang impeachment court na ipakulong ang kaibigan ni Pangulong Joseph Estrada na si Jaime Dichaves dahil sa pagtatangka nitong linlangin ang korte.

"Dapat siyang i-contempt at ikulong," sabi ni Marinduque Rep. Edmund Reyes na tagapagsalita rin ng prosecution panel sa kasong impeachment laban kay Estrada.

Sinabi ni Reyes na malinaw na tinangka ni Dichaves na linlangin ang mga senador-judges at ang prosecution nang sulatan niya ang impeachment court at sabihing siya ang may-ari ng Jose Velarde account sa Equitable-PCI Bank.

Sinabi naman ni Bukidnon Rep. Juan Miguel Zubiri na dapat parusahan si Dichaves para maiparating ang mensahe na hindi dapat balewalain ang Senado bilang isang korte.

Noong Biyernes, binigyan ng Senado ng limang araw si Dichaves para ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat ma-contempt.

Ginawa ng korte ang hakbang makaraang ihayag dito ni Equitable-PCI Bank Senior Vice President Clarissa Ocampo noong Enero 2 na nagkita sina Dichaves at ang dating tagapangulo ng banko na si George Go sa tanggapan ng abogado ng Pangulo na si Estelito Mendoza para magpirmahan ng mga dokumento at palitawin na si Dichaves ang may-ari ng Velarde account.

Naunang sinabi ni Ocampo sa korte na halos katabi lang niya ang Pangulo nang lumagda ito bilang Jose Velarde sa P500 milyong account nito sa naturang banko.

Lumitaw sa testimonya ni Ocampo ang iginigiit ng tagausig na iisang tao sina Estrada at Velarde na nakalagda sa isang tseke na ginamit sa pagbili ng mansion para sa isa sa mga kalaguyo ng Pangulo. (Jess Diaz)

Show comments