Peace talks sa MILF sinuspindi ni Erap

Sinuspinde ng Pangulong Joseph Estrada ang peace talks sa grupong Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos ihayag ng pulisya na sila ang responsable sa naganap na limang pambobomba sa Metro Manila noong Disyembre 30 na ikinasawi ng 22 katao at sumugat ng humigit na sandaang katao.

Nakatakda na sanang muling buksan ang usapang pangkapayapaan na sinuspinde noong Agosto ng nakalipas na taon matapos maglaan ng P 9 milyong patong sa ulo nina MILF Chieftain Hashim Salamat,Vice Chairman for Military Affairs Al Hadj Murad at Spokesman Eid Kabalu si Interior and Local Government Secretary Alfredo Lim dahil sa pangkasangkot ng mga ito sa naganap na pambobomba sa General Santos City.

Inihayag din ni Estrada na may posibilidad na alisin niya ang ipinatutupad na moratorium sa pag-aresto sa mga lider ng MILF. Sinabi naman ni Defense Secretary Orlando Mercado na kung MILF ang talagang may kagagawan sa mga pambobomba sa Metro Manila dapat itong kasuhan at parusahan at dapat ay may sapat na ebidensiya ang Philippine National Police na magdidiin sa mga ito.

Ito ang naging posisyon ni Mercado matapos sampahan ng kasong multiple murder at multiple frustrated murder ng PNP laban sa matataas na opisyal ng MILF sa pangunguna ni Hashim Salamat na umano’y siyang utak sa madugong pambobomba. (Ulat nina Lilia Tolentino at Joy Cantos)

Show comments