Nagalit kamakalawa si Lacson sa pagdakip ng mga ahente ng anti-terrorism unit na MIG-15 ng ISAFP sa 17 residente ng Culiat.
Bagaman hindi tuwirang sinabi ni Lacson, ipinahiwatig niya na mga fall guy lang o hindi naman ang mga ito mga tunay na suspek na hinahanap nila. Nasira anya rito ang operasyon ng pulisya laban sa mga tunay na salarin.
Nilinaw ni Lacson na walang kinalaman ang PNP at ang Presidential Anti-Organized Crime Task Force sa naturang mga pagdakip.
Pinuna ni Lacson na hindi nakipag-ugnayan ang militar sa pulisya nang isagawa ang pagdakip sa 17 lalaki na pawang mga tubong-Mindanao.
Sinabi pa ni Lacson na kilala na nila ang utak at iba pang may kagagawan sa pambobomba na kasalukuyang tinutugis ng pulisya sa labas ng Metro Manila.
Binanggit pa niya na may kinalaman sa problema sa Mindanao ang pambobomba at hindi sa kasong impeachment ni Pangulong Joseph Estrada.
Sinabi pa ni Lacson na kinasuhan na nila kamakalawa ang isang grupo ng mga suspek (hindi ang mga hinuli sa Culiat) sa pambobomba pero hindi siya nagbanggit ng mga pangalan.
Pero nabatid kahapon sa Department of Justice na isinampa na rito ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang mga kasong murder at frustrated murder laban sa siyam na opisyal ng Moro Islamic Liberation Front tulad ng tagapangulo nitong si Hashim Salamat.
Idinawit ng pulisya ang MILF sa pambobomba noong Disyembre 30 batay sa mga dokumentong nakuha ng militar sa Camp Bushra ng naturang grupo sa Lanao del Sur noong Setyembre 2000.
Kahapon din ng hapon, pinalaya ng AFP ang 14 sa 17 dinakip nila sa Culiat dahil sa kawalan ng ebidensya laban sa mga ito. Hawak pa ng militar ang nalalabing tatlong lalaki.
Iginiit naman ni AFP Chief of Staff Gen. Angelo Reyes na lehitimo ang pagsalakay ng militar sa Culiat at may koordinasyon sila sa pulisya nang arestuhin ang 17 naunang pinaghinalaang suspek sa pambobomba. (Ulat nina Joy Cantos, Lilia Tolentino at Grace Amargo)