Velarde sumulat sa Senado

Isang sulat na nanggaling pa sa United States ang ipinadala umano ng isang nagngangalang Jose Velarde kay Senate President Aquilino Pimentel para angkinin ang kontrobersyal na account sa Equitable-PCI Bank.

Sinabi ni Pimentel sa isang pulong-balitaan kahapon na nagpadala sa kanya ng sulat si Velarde na nagagalit umano sa pagsilip ng account nito sa paglilitis ng Senado sa kasong impeachment laban kay Pangulong Joseph Estrada.

Sinabi ni Pimentel na, kung ang sumulat ang totoong Jose Velarde, nangangahulugan na ito rin ang tunay na may-ari ng P500 milyong account sa Equitable-PCI Bank na iginigiit ng prosecution na pag-aari ng Pangulo.

Hindi ipinakita ni Pimentel sa mga mamamahayag ang sulat pero binanggit niya na tubong-Angeles, Pampanga ang sumulat na kasalukuyang nakabase sa US. Ipinadala ng abogado nitong Amerikano ang sulat.

Sinabi pa ni Pimentel na ang dalawang pahinang sulat na may annexes ay pirmado ni Jose Velarde na kahawig umano ng pirmadong signature card na iniharap ni Equitable-PCI Bank Senior Vice President Clarissa Ocampo sa impeachment tribunal noong Biyernes. Pero "Jose V" lang ang nakalagay. Nakalagay din ang larawan at pangalan ni Eleuterio Tan na isa sa mga kaibigan ni Estrada at ni Charlie "Atong" Ang.

Sinabi ni Ocampo sa kanyang testimonya na "Jose Velarde" ang pangalang inilagda ni Estrada sa signature card nito nang magpautang ito ng P500 milyon sa kumpanya ng isang kaibigan nito.

Inamin pa ni Pimentel dagdag itong pampalito sa impeachment court dahil wala pang maituturing na totoong Jose Velarde hanggang sa kasalukuyan.

Nauna rito, isang kaibigan ni Estrada na si Jaime Dichaves ang nagpahayag kamakailan na kanya ang naturang account na nasa pangalang Jose Velarde. (Ulat nina Doris Franche, Lilia Tolentino at Ely Saludar)

Show comments