Pero hindi anya nangangahulugan na siya ay bumaligtad o kumampi kay Estrada, kundi nahihiya at naiilang siyang magtanong sa Pangulo sa apat na kasong kinakaharap nito.
Sinabi pa ni Arroyo na masakit sa isang mambabatas na tulad niya o kahit kanino pang kongresista na magtanong kung nagsisinungaling ang sinumang Pangulo.
Kakaiba umano ang sitwasyon na kinakaharap ni Estrada dahil pera ang isyu ng usapin hindi tulad ng dalawang Pangulo ng Estados Unidos na sina Richard Nixon at Bill Clinton.
Si Nixon ay ang ginawang pag-cover-up sa Watergate habang si Clinton ay ang pagkakaroon nito ng sekswal na may kaugnayan kay Monica Lewinsky.
Samantala, pinayuhan din ni Arroyo ang mga abogado ni Estrada na pababain sa puwesto ang kanilang kliyente dahil kumbaga sa boksingero ay bugbog-sarado na ito.
Inilalagay lang umano ng mga abogado ang kanilang kliyente na mabunyag pa ang mga katiwalian kung itutuloy ng depensa ang kanilang pakikipaglaban. (Ulat ni Malou Rongalerios)