Ginawa ni Arroyo ang pahayag pagkaraang sunod-sunod na babae ang humarap sa Senado nitong nagdaang linggo para idiin si Estrada sa apat na kaso nitong impeachment. Pinakahuli sa mga ito bago nagbakasyon ang mga senador para sa pagdiriwang ng kapaskuhan ang first vice president at trust officer ng Equitable-PCI Bank na si Clarissa Ocampo na nagsabi kamakalawa sa impeachment court na malapit lang siya sa Pangulo nang pumirma ito bilang Jose Velarde sa isang P500 milyong trust agreement noong Pebrero 4.
Sinasabi ng prosecution panel na ang account ni Velarde sa Equitable Bank ang ginamit ng kaibigan ng Pangulo na si Jose "Sel" Yulo para mabili ang Boracay mansion sa New Manila, Quezon City na tinirhan naman ng isa sa mga kalaguyo ni Estrada na si Laarni Enriquez.
Sinabi ni Arroyo na parang bombang nukleyar ang pinasabog ng mga babaeng testigo laban sa Pangulo. "Mahilig siya (Estrada) sa babae at ang babae rin ang magdidiin sa kanya," dagdag ng tagausig.
"Kung makikita ninyo, lahat babae itong mga testigo ng tagausig na pawang matatalino at may itsura," sabi ni Arroyo.
Kabilang sa naunang nagbigay ng testimonya ang mga empleyada ni Ilocos Sur Governor Luis Singson na sina Emma Lim na nagsabing personal nitong nagdala ng jueteng payola sa Malacañang para sa Pangulo at Carmencita Itchon na nagpapatotoo sa papel ni Yolanda Ricaforte bilang jueteng auditor ni Estrada.
Sumunod na nagbigay ng testimonya ang isa pang vice president ng Equitable, si Annie Ngo na nagpatotoo sa P212 milyong idineposito ni Ricaforte sa anim na sangay ng naturang banko.
Nagbigay din ng testimonya hinggil sa mga salaping idineposito ni Ricaforte ang mga branch manager ng Equitable-PCI na sina Shakira Yu (Pedro Gil-Robinsons branch), Rosario Bautista (Diliman-Matalino branch), at Emma Gonzales (Isadora Hills branch).
Sa isang panayam, hiningi ni Ocampo sa lahat na ipagdasal siya. Sinabi pa niya na ang pagtestigo niya ay suportado ng mga opisyal ng Equitable.
"Para sa interes ng bansa kaya dapat lumabas ang katotohanan (hinggil sa Velarde account)," sabi pa ni Ocampo na sorpresa at biglang iniharap ng prosecution panel sa Senado noong Biyernes dahil sa seguridad nito.
Sinabi naman nina Lim at Itchon sa hiwalay na panayam na halos hindi nila maramdaman ang kapaskuhan dahil sa pagpasok nila sa kontrobersyang kinasasangkutan ng Pangulo.
Ngayon lang nila ipagdiriwang ang Pasko nang malayo sa kanilang pamilya.
Sa katunayan, napilitan silang pahintuin sa pag-aaral ang kani-kanilang mga anak dahil sa nakaambang panganib na maaaring kaharapin ng mga ito.
Tiniyak naman nina Lim at Itchon na handa sila sa cross-examination na gagawin sa kanila ng mga abogado ng Pangulo.
Mas lubha namang nanganganib si Ocampo dahil siya mismo ang nakakita kay Estrada nang lagdaan nito ang signature card ni Velarde.
Sinabi ni Ocampo na ang huwad na pangalang inilagay ni Estrada ang dahilan kaya hindi niya ginawan ng authentication ang naturang dokumento bagaman ang Pangulo ng bansa ang nagmamay-ari nito.
Sinabi pa niya na boluntaryo siyang humarap sa impeachment court dahil mahirap kalabanin ang kunsiyensiya at ang tagal ng kanyang serbisyo sa naturang banko.
Binanggit pa nina Lim, Itchon at Ocampo na isang bangungot ang pagharap nila sa impeachment court pero malapit na anya itong matapos dahil ang Pilipinas ang makikinabang.(Ulat nina Malou Rongalerios at Doris Franche)