PLDT lady nagtatago

Pinaniniwalaang nagtatago ang empleyada ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) matapos na tukuyin ni PNP Chief Director General Ping Lacson na ito ang pinagkunan ng kontrobersiyal na dokumento sa wiretapping.

Ayon kay Gng. Aida Pasamba, ina ni Flovina, simula ng ito ay kilalanin ni Lacson sa isang pagdinig sa senado ay hindi na ito matagpuan at nakauwi sa kanyang pamilya hanggang sa kasalukuyan.

Marahil kaya nagtatago si Flovina dahil sumama ang loob nito sa kahihiyang idinulot ng mga pahayag ni Lacson sa senado kaya nagdesisyon na lamang na magpagkalayo-layo ito, dagdag ng matandang Pasamba.

Hindi rin naniniwala ang matandang Pasamba na may kinalaman ang kanyang anak sa wiretapping na umano ay kumikita ng malaking pera sa PNP sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga dokumento dahil nagtitinda-tinda ito sa opisina para maragdagan ang kanyang kita.

Si Flovina ang itinuro ni Lacson na nagbigay ng mga computer print outs ng mga phone billings sa hindi pa kinikilalang senior intelligence officer ng PNP.

Sa nasabing billings nagbubunyag umano dito ang mga telepono ng mga kilalang personalidad sa pulitika lalo na ang mga nasa panig ng oposisyon na tinitiktikan ng PNP.

Samantala nagpahayag naman si Lacson na handa siyang magbitiw bilang pinuno ng PNP kung mapapatunayan ang kanyang tanggapan na tinitiktikan ang mga senators-judges na kasalukuyang lumilitis kay Pangulong Joseph Estrada.

Pero inamin nito na may sapat na kapasidad ang Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) na magsagawa ng surveillance at monitoring sa gusto nilang tiktikan na hindi agad magagawa dahil kailangan ang isang court order.

Mangangalap naman ng ebidensiya ang prosecution panel para makapagsampa ng kaukulang kaso sa PAOCTF na umano ay may kinalaman sa paniniktik sa kanila. (Ulat nina Joy Cantos,Doris Franche at Malou Rongalerios)

Show comments