Yasay, nakahandang tumestigo vs Erap

Tahimik na nakabalik ng bansa mula sa Amerika si dating SEC Chairman Perfecto Yasay, Jr. upang tumestigo laban sa Pangulong Joseph Estrada sa dinidinig na impeachment trial sa Senado.

Sinabi ni Pampanga Rep. Oscar Rodriguez, na kinumpirma ni Yasay ang kanyang naunang commitment na tumayong testigo laban sa kasong kinakaharap ni Pangulong Estrada.

Matatandaang si Yasay ay nagtungo sa Amerika may dalawang linggo na ang nakalilipas dahil sa natatanggap na pagbabanta mula sa mga hindi kilalang grupo na may kaugnayan sa kanyang pagtestigo kay Pangulong Estrada.

Si Yasay ang pangunahing testigo ng prosecutors sa BS Resources stock manipulation scam na iniuugnay si Erap dahil sa pagdidiktang hindi pagdadawit kay Dante Tan na may-ari ng nasabing stock.

Kasalukuyang nasa prosecution panel’s Team C ang nasabing kaso laban kay Erap na pinamumunuan naman ni Iloilo City Rep. Raul Gonzales at Rep. Rodriguez.

Samantala, Kinasuhan na ng Department of Justice (DOJ) ang mga sangkot sa BW Resources stock na sina Dante Tan; Eduardo "Moonie" Lim, BW officer at ex-PSE president at si Jimmy Juan, isang pribadong investor at kaibigan ni Tan. (Ulat ni Jess Diaz)

Show comments