Balot ng bisyo

Ang ABS (alak, babae at sugal) ay nakatatak na sa pagkatao ni Erap. Alam ito nang masang bumoto sa kanya. Mula nang hatakin ng pelikula ang kanyang buhay noong dekada ’60, ang ABS ay naging bahagi na ng kanyang buhay. Uminog siya sa tatlong bisyong ito. Bukod sa mataas na taste sa pagpili sa babae, mataas din ang panglasa niya sa alak lalo na ng pumasok siya sa pulitika. Kung noong kabataan niya na nag-aaral sa kolehiyo ay gin ang kanyang iniinom ngayon ay mga de-kalidad na alak ang kanyang paborito. Kapag nakainom siya ng alak ay nagiging matikas siya. Kumbaga ay nagiging malakas siya at nagiging "bolero". Kabuntot din naman sa kahiligan niya sa alak ang pagsusugal niya. Buo na ang ABS sa kanyang buhay. Idagdag pa ang isang "S" dito na ang kahulugan ay sigarilyo. Katulad nang pagkahaling niya sa alak, hindi rin maawat si Erap sa kanyang paninigarilyo. Ilang beses niyang sinabi na titigilan ito subalit katulad din ng iba pang pangako niyang napako.

Maaaring ang pagkahilig niya sa alak ay nagbibigay sa kanya ng kakaibang sigla lalo na sa pakikipag-ulayaw sa babae. Batay sa isang pag-aaral na ginawa, ang mga alak na ginawa mula sa katas ng prutas ay may mga sangkap na tumutulong upang sumigla ang pakikipagtalik ng lalaki. Mas nagkakaroon ng lakas at tibay at walang pagkasawa. Gayunman, sinabi rin naman na ang labis na pagkunsumo ng alak ay masama rin sa katawan.

Si Erap ay may mataas na taste sa alak. Sa isang report, sinabing paborito umano ni Erap ang alak na Chateau Petrus. Napakamahal ng alak na ito na ang isang bote ay nagkakahalaga umano ng $1,000. Kung sa kasalukuyang rate na P50 bawat $1, lumalagpak na P50,000 isang bote nito. Ayon sa report, ang alak na ito ang paboritong inumin ni Estrada at kapag kasama niya ang kanyang mga kaibigan o ang "midnight cabinet" sinasabing 10 bote ng Chateau Petrus ang itinutumba.

Ang pagkahilig ni Erap sa alak ay minsan nang binuking ng dati niyang chief of staff na si Aprodicio Laquian. Sinabi ni Laquian na inaabot ng alas-4 ng madaling araw ang pag-iinuman sa Malacañang. Ipinagmalaki pa ni Laquian na siya na lamang ang tanging hindi lasing sa loob ng kuwarto. Kinabukasan ay sinibak ni Erap si Laquian.

Maging ang dating kaibigan ni Erap na si Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson ay nagsabing madalas silang mag-inuman sa Malacañang at sa iba pang lugar. Kahit saan magpunta si Erap ayon kay Singson ay kasama nito ang alak. Kakambal na nito umano ang alak. Idinagdag pa sa report na dahil sa kahiligan ni Erap sa alak ay madalas itong may hung over. (Ulat ni Ronnie M. Halos)

Show comments