'Walang halalan sa Mayo 2001' - Comelec

Nagpahayag kahapon ng pangamba si Commission on Elections Chairman Harriet Demetriou na baka walang maganap na halalan sa Mayo 14, 2001 kapag hindi naaprubahan ng Kongreso ang budget ng Comelec para sa susunod na taon.

Kapag nangyari ito, ayon kay Demetriou, mawawalan ng mga senador at kongresista ang bansa dahil walang pondo ang Comelec para magdaos ng halalan at mapunuan ang 224 mababakanteng puwesto sa Senate at House of Representatives.

Ipinaliwanag niya na kailangan sa Enero, meron nang budget ang Comelec para sa pagbili ng mga indelible ink, ballot paper at iba pang kagamitang panghalalan.

"Dumarating na tayo sa kritikal na oras at dapat meron na kaming pera sa Enero dahil kung hindi, wala nang sapat na oras ang Comelec para idaos ang halalan sa Mayo 14," sabi pa ni Demetriou.

Kapag anya hindi nakapagdaos ng lokal na halalan, magbubunga ito ng krisis sa pulitika at demokrasya dahil walang papalit sa mga outgoing na mga senador at kongresista.

Binanggit niya na sa ilalim ng batas, ang mga halal na opisyal lang sa pamahalaang lokal ang maaaring magpatuloy pansamantala sa posisyon habang walang nahahalal na papalit sa kanila. Pero, sa kaso ng mga senador at kongresista, hindi sila puwedeng magpatuloy sa panunungkulan.

"Saan ka nakakita na walang laman ang Kamara?" puna pa ni Demetriou na nagsabi pa na ipinagbabawal ng Konstitusyon ang hold-over position sa Kongreso.

Sinabi pa ni Demetriou na matagal na niyang hinihingi sa kasalukuyang mga miyembro ng Kongreso na magpalabas ng kinakailangang pondo para hindi masuspinde ang halalan na magdudulot ng kaguluhang pulitikal sa bansa.

Gayunman, idiniin niya na hindi pa rin sa ngayon ipagpapaliban ng Comelec ang halalan sa Mayo 14 dahil umaasa sila na maipapalabas pa rin ng Kongreso ang kailangan nilang pondo. (Ulat ni Mayen Jaymalin)

Show comments