Pinanindigan ng mga maka-Estrada at ng El Shaddai na sila ang dapat pumuwesto sa CCP Complex na malapit sa gusali ng Senado sa Pasay City.
Nais naman ng mga grupong kumakalaban kay Estrada na mapalapit sa Senado makaraang ipapuwesto sila ng Philippine National Police sa tabi ng Roxas Boulevard sa lungsod.
Sa pulong na ipinatawag ni Metro Manila Police Director C/Supt. Edgar Aglipay, nagpalitan ng maaanghang na mga salita ang dalawang grupo.
Iginiit ni Mayor Rey Roquero ng maka-Estrada na grupong Kasambayanan na binayaran nila ng P6 bawat metro kuwadrado ang upa sa CCP complex para mapuwestuhan nila sa buong panahon ng paglilitis. Ang nakuha nilang kontrata ang pinagbatayan ni Aglipay para payagan ang mga grupong maka-Estrada na pumuwesto sa naturang lugar.
Pero nanindigan ang mga grupong kalaban ni Estrada na sila ang may karapatan na lumugar sa bakanteng lote sa likod ng Philippine International Convention Center. Sinabi naman ni Kilusang Mayo Uno Chairman Crispin Beltran na nakatanggap sila ng banta na ang kanilang mga grupong nananawagan sa pagpapatalsik kay Pangulong Joseph Estrada ay titirahin ng ilang paksyong tapat sa Punong Ehekutibo.
Kaugnay nito, 3,000 pulis ang itatalaga sa tabi ng Senado samantalang 12,000 ang kakalat sa labas ng GSIS complex. Kabilang din sa magbabantay sa paglilitis ang mahigit 40,000 abogado at law student mula sa ibat ibang eskuwelahan
Kasabay pa rin sa pagsisimula ngayon ng paglilitis, magsasagawa ng ala-Jericho march ng Biblia o tahimik na magmamartsa sa paligid ng Senado ang mga grupong KMU, Bagong Alyansang Makabayan, KAMPI, mga pari, madre, estudyante at empleyado.
Pangungunahan ni Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin ang isang misa sa Malate Church sa Maynila bago magmamartsa ang kanyang grupo patungo sa Senado dala ang mga sulu na magsisilbing simbolo ng katotohanan.
Naglatag din ng traffic rerouting ang pulisya sa mga kalsadang malapit sa Malate Church dahil sa inaasahang pagdagsa rito ng mga grupong kalaban ni Estrada.
Nanawagan naman si dating Senador Arturo Tolentino sa Senado na magpatibay ng isang resolusyon na magpapatigil sa mga rally para hindi ito makaapekto sa paglilitis.
Maaari anyang magdulot ng pressure sa mga juror na senador ang naturang mga rally. (Ulat nina Doris Franche, Lordeth Bonilla, Rose Tamayo, Ellen Fernando at Danilo Garcia)