Kaugnay nito, nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga mananampalataya na huwag iboto at tangkilikin ang mga aktor at aktres na sumusuporta sa Pangulo na kasalukuyang nahaharap sa kasong impeachment dahil sa mga kasong bribery at corruption.
Sa primer na "Erap Resign" na ipinamahagi sa mga simbahan sa buong bansa, hinikayat ng CBCP ang mamamayan na iboykot ang mga kumpanya ng mga cronies at ang mga artistang masugid na sumusuporta sa administrasyong Estrada. Sinasabi pa sa primer na hindi dapat payagang masakripisyo ang mamamayan sa pagpapayaman ng mga artista at ibang tagasuporta ni Estrada sa kanilang sarili. "Alalahanin ninyo na, habang nagtatrabaho kayo nang tapat, sila naman ay nagpapakabusog sa mga ill-gotten wealth, tumitira sa mga mansion na ang ipinambayad ay ang salapi ng mga taxpayer," sabi pa sa primer.
Pinuna ng CBCP na, bagaman pinabulaanan ni Estrada na nakabili ito ng mga mansion, nagkaroon naman ito at ang ibat ibang pamilya nito ng 14 na mansion na nagkakahalaga ng kabuuang P1 bilyon. (Ulat ni Mayen Jaymalin)